Larry Sultan

Surer Word Issue 20
January 18, 2026

Para bang isinulat ang mensahe hindi para sa marami, kundi para sa akin. At pakiramdam ko ay niyayakap ako ng Panginoon at sinasabi sa akin na Kaniya akong pinapatawad at binabago.

Larry Sultan

Ako si Larry Sultan, isang transgender at miyembro ng LGBTQIA+ Community. Masaya ako dahil naipapahayag ko ang aking sarili sa paraang gusto ko, sa paraang alam ko, at sa paraang komportable ako. Sa ganito, nararamdaman ko ang pagiging totoo sa aking sarili. Ngunit minsan, ang pagiging totoo sa sarili ay siya ring dahilan kung bakit hindi ako kayang tanggapin ng maraming tao sa aking paligid. Hinahanap-hanap ko ang kanilang pagtanggap. Paulit-ulit kong hinihiling na sana, balang araw, matanggap din nila ako sa kung ano ako.

Ganap na Pagbabago

“Madaling sabihin na wala akong pakialam sa sasabihin nila, basta masaya ako. Ngunit sa totoo lang, hindi ko iyon palaging kayang panindigan. Sa mga tahimik na oras ng aking buhay, kapag mag-isa na lang ako, doon ko nararamdaman ang sakit. Masakit dahil nagtatanong ang puso ko: Bakit hindi nila kayang maging masaya para sa akin kung dito ako masaya?”

Dumating ang pagkakataon na ako ay naimbitahan ni Pastor Kirsten T. Ferriol sa Home Free Global Crusade sa Manila. Pumunta ako sa krusada na naka-white dress at may hairpin pa ako sa buhok. Buong akala niya sa akin ay tunay na babae, pero nagulat na lang siya pagkatapos ng crusade.

Doon ko lubos na naramdaman ang pag-ibig ng Panginoon sa pamamagitan buong-pusong pagtanggap sa Kaniyang mga Salita na dala ni Global Evangelist, Apostle Jonathan S. Ferriol. Sa bawat salitang kaniyang binigkas, para bang ako mismo ang kausap ng Dios. Para bang isinulat ang mensahe hindi para sa marami, kundi para sa akin. At pakiramdam ko ay niyayakap ako ng Panginoon at sinasabi sa akin na Kaniya akong pinapatawad at binabago. Sa pagkakataong iyon ay naramdaman ko ang pagtanggap at pagmamalasakit ng Panginoon sa akin sa kabila ng madalas na panghuhusga ng mga tao sa aking paligid.

Nang marinig ko ang panawagan ni Apostle Jonathan, “Come forward and be baptized,” hindi ako nag-alinlangang lumapit sa harap. Bumuhos ang aking mga luha. Hindi pa man ako nakakarating sa harapan, hindi ko na mapigilan ang pag-iyak. Luha ng pasasalamat, luha ng pagsisisi, at luha ng kagalakan ang sabay-sabay na umagos sa aking puso. At nang ako ay mabautismuhan, doon ko naramdaman ang gaan sa aking pagkatao, isang gaan na pa hindi ko kailanman naranasan. Nawala lahat ng bigat, mga problema na matagal ko nang pasan sa aking puso. Gumaan ako. Malaya ako.

Paglabas ko ng dressing room, iba na ang suc suot ko. Hindi ko na sinuot ‘yung white dress ko. Pinili ko nang suotin ‘yung T-shirt na “Child of God” at black shorts. Pagkatapos po noon, sinabi ko kay Pastor Kirsten na ako ay isang transgender. Nagulat siya, pero labis naman ang kaniyang tuwa nung nalaman niyang gusto kong ibalik ang totoo kong kalagayan.

Lubos akong nagpapasalamat sa pagbabago ng Panginoon. Kitang-kita naman sa mga pictures at posts ko noon sa social media. Kilala talaga ako bilang isang cross-dresser. Kaya grabe ang naging karanasan ko sa Home Free Global Crusade.

Ramdam na ramdam ko po ang presensya ng Panginoon. Hindi ako tinakwil ng mga kristiyanong naroon sa krusada; sa halip, tinanggap ako kung sino ako, anumang anyo, anuman ang relihiyon, at anuman ang kasarian. Bukas-palad nila akong tinanggap at hindi nila ako pinilit na magbago agad. Ipinakita po nila na ang pagbabago ay hindi galing sa tao, kundi mula po sa Panginoon. Nasa Dios kung paano at kailan Niya babaguhin ang isang tao.

Kaya patuloy po ang aking pagsuporta sa Home Free Global Crusade, dahil alam kong kagaya ko, marami pa ang sasampalataya at tuluyang lalaya mula sa pagkakasala. Kung binago ng Dios ang aking buhay, alam kong kaya Niya rin itong gawin sa iba. Mahal Niya ako, isang pagmamahal na hindi kailanman kayang ibigay ng mundo.