Juvylene B. Changco

Surer Word Issue 25
■
June 15, 2026

Bagaman may PAGKATAWAG AKO,pinilit ko itong TINATANGGIHAN dahil noon ay nasa KALAGAYAN AKONG sagana at abot-kamay na ANG MGA PANGARAP na nais kong makamtan.

Juvylene B. Changco

Ako si Sister Juvy, mula sa Dasmariñas, Cavite, bunso sa apat na magkakapatid na anak nina Francisca at Rodolfo Burlaos. Dumating sa aming pamilya ang pangangaral ng evangelio noong 1983. Sa loob ng limang taon, matiyagang dinalaw at inalagaan ang aming sambahayan nina Elder Mar Tabing, Elder Elmer Medina, at Elder Dindo Mahilan. Sa biyaya ng Dios, ang aming buong pamilya ay naligtas noong 1988 sa lokal ng Malagasang, sa panahon ng pangangasiwa ni Presbyter Belle Obsanga. Hindi kalaunan ay lalong lumalim at tumibay ang aming pagkakilala sa Dios, sa pamamagitan ng pangangaral ni late Apostle Arsenio T. Ferriol.

Higit Pa Sa Aking mga Pangarap

Nang malipat sina Archbishop Arturo T. Ferriol at Presbyter Lily Ferriol bilang mga Head Pastors sa Malagasang, pinagkatiwalaan ako na mangasiwa sa mga kabataan bilang President ng Youth Department at ng Young Professionals Department. Sa panahon ding iyon, naramdaman ko ang pagtawag ng Dios. Subalit ang nasa isip ko lang noon ay pagbutihin ang aking paglilingkod at matapat na gampanan ang mga tungkuling iniatang sa akin sa iglesia.

Sa biyaya ng Dios, ako ay itinalaga bilang Elder noong 2002. Dahil dito, inakala ko na natapos na ang pagtawag ng Dios sa akin at sapat na ang paglilingkod na aking ginagampanan.

Taong 2004 nang loobin ng Dios na makabahagi ako sa Global Mission.

Sa panahong iyon, nagkaroon ako ng magandang hanapbuhay sa Dubai at naging katuwang sa pagbubukas at pagtatayo ng mga lokal na iglesia sa United Arab Emirates. Sa paglipas ng panahon, ang Dios ay naglaan ng mga manggagawa sa Middle East sa pangunguna nina Bishop Aldrin at Presbyter Elleza Palanca. Nagkaroon ako ng kapanatagan sa kanilang presensiya, subalit sa kabila nito, sila mismo ang nag-uudyok sa akin na magtalaga. Ngunit sa mga panahong iyon, ako at ang aking asawa, kapatid na Rey Changco, ay kapwa may maayos na hanapbuhay sa Dubai. Bagaman may pagkatawag ako, pilit ko itong tinatanggihan dahil noon ay nasa kalagayan akong sagana at abot-kamay na ang mga pangarap na nais kong makamtan.

Sa kabila ng paulit-ulit kong pagtanggi sa panawagan ng Dios, pinagkalooban pa rin kami ng maraming pagpapala. Naging Executive Secretary at Personal Assistant ako ng CEO at Board of Directors ng isang bangko sa Dubai. Biniyayaan din kaming nakapagtayo ng isang Filipino-Arab restaurant sa Ajman, UAE, na naging kasangkapan sa pagtustos ng gawain sa iglesia sa Ajman at Al Ain na aming pinangangasiwaan.

Ngunit sa kabila ng lahat ng tagumpay, mayroon pa ring kakulangan sa puso ko. Kaya’t nanalangin ako sa Dios na kung tunay na para sa ministeryo ang buhay ko, aalisin ng Dios ang lahat ng humahadlang upang tanggapin ko ang Kaniyang pagtawag.

Hindi nagtagal, dumating ang pandemya noong 2020 at naapektuhan ang aming mga negosyo at hanapbuhay. Gayunman, nais ko pa ring makasama ang aking asawa sa pagtatalaga. Ipinanalangin ko na kung kalooban ng Dios ang ministeryo para sa amin ay sabay Niya kaming tawagin.

Pagkaraan lamang ng dalawang linggo, nawalan ng trabaho ang aking asawa dahil sa pagbabawas ng empleyado sa kanilang kumpanya. Doon ko nakita ang mabilis na pagtugon ng Dios. Sa aming pag-uusap, nalaman ko ring matagal na rin pala niyang tinatanggihan ang pagtawag ng Dios. Gayunman, nanatili pa rin ang aming mga pag-aalinlangan. Dumating kami sa puntong hindi na namin kayang magpasya para sa sarili namin. Kaya’t humingi kami ng pagkakataong makausap sina Bishop Aldrin at Presbyter Elleza Palanca upang magkaroon ng mas malinaw na pag-unawa.

Nagpapasalamat kami sa Dios sapagkat sa panahong hindi na namin alam ang gagawin,ipinagkatiwala namin ito sa kaniyang mga lingkod. Sa pakikipag-usap namin kay Bishop Aldrin,malinaw niyang sinabi:”Magtalaga kayo sa full-time ministry.”Doon namin natagpuan ang kapayapaan sa aming mga puso,na iyon talaga ang matagal na naming hinahanap,na maitalaga ang aming buhay sa Dios.

Doon nagsimula ang aming pagtatalaga bilang sacrifice at di-kalaunan ay naging full-time Bible students. Ang una naming assignment ay sa Ivory Coast kasama sina Pastor Jonathan at Pastor Jenny Ibabao,kung saan nakita namin ang lawak ng Global Mission. Kalaunan,ako ay naitalaga sa Egypt bilang Locale In-Charge,habang ang aking asawa ay naiwan sa Ivory Coast.

Sa kabila ng distansya at sakripisyo, ipinagpatuloy namin ang gawain ng Dios at nakapagtapos sa Paaralang Biblia sa batch na “The End-Time Evangelizers of the Apostolic Global Mission.”

Ang biyaya ng pagkakaroon ng katuwang sa ministeryo na kapwa tumugon sa pagtatalaga ay isang malaking tagumpay at pagpapala ng Dios sa aking buhay. Ang isang mabait at supportive na katuwang in life and in ministry ay masasabi kong isang malaking biyaya ng Dios sa aking buhay.

Sa lahat ng ito, aming pinanghahawakan ang pangako ng Dios na hindi Niya kami iiwan ni pababayaan, at patuloy Niya kaming palalakasin sa bawat panahon ng aming paglilingkod: “Magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mainam…” (Josue 1:7).